Mas maaga pa sa tilaok ng manok ay dilat na ang aking mata.
Napakabigat ng pakiramdam ko. Para bagang may gustong kumawala sa mga mata ko
noong mga sandaling iyon. Tingin ko, kailangan ko lamang na bumangon at
maghanda para sa pagpasok mamaya.
Pagpasok? Wala nga
palang klase. Bigla ko uling naramdaman ang mabigat na emosyong bumabalot sa
akin simula pa lamang nung bago ako matulog—parang ayaw akong pagalawin, ayaw
akong paalisin.
Oo, pagpasok. May pasok, ngunit wala nang klase. Sa panahong
ito’y naramdaman kong tila baga gusting-gusto kong magkaroon! Baliktad kung iisipin, ngayon pa ako
naghangad nito samantalang noong mayroon pa ay ayaw na ayaw ko.
At tumulo ang aking mga luha. Bigla ko noong naalala ang mga
panahong inilagi ko sa paaralan—simula pa lamang noong ako’y naghihirap sa
pagpasok dito; ang bawa’t saya, mga kaibigan, mga sandaling alam ko sa sarili
ko, na hinding-hindi ko malilimutan; mga lungkot at pag-iyak, ang aking
paglaban, pagpupuyat, pagkakabisa sa mga mahihirap na aralin, pagpaplano hindi
sa kung paano gagawin ang aking takda, ngunit sa kung paano ako makakakopya
kinabukasan; ang aking pagbabago simula noong ako’y isa lamang hamak na uhuging
pumasok sa napakalaking mundong nagturo sa akin ng buhay, hanggang sa ako’y
tumindig at nagsimulang magturo sa iba nito. Muli kong sinariwa kung paanong
ang isang uhuging bata ay natutong ngumiti, umiyak, makiramdam at makibagay,
bumagsak at bumangon, at magkaroon ng panibagong pananaw sa buhay. Nakita kong
muli kung paanong ang bata ay nagkaroon ng mga taong kanyang naging sandalan sa
bawat sandali. Ang kanyang mga kaibigan, kaklase, guro at lahat pang mga taong
ito ang kanyang naging pamilya sa mundong hindi niya inakalang magiging ganito
kasaya. Ang kanyang mga kasamang hanggang sa huli ay humubog sa kanyang
pagkatao. Ang lahat ng ito, mas maaga pa sa araw, ay inalala ng aking puso.
Noo’y naramdaman ko ang aking luha—rumaragasa palabas mula
sa mabigat kong mga mata. Sa pagkakataong iyon, nagising ako sa riyalidad at
napagtanto kung bakit ba nangyayari ito. Nakita ko ang mesa, mga kasangkapan sa
bahay, at ang aking ina. Nalaman kong kanina niya pa ako pinagmamasdan at
nag-aalay ng munting ngiti sa akin. Sa akin din namang sarili, ay hindi ko na
napigilan pa ang puso kong tila baga sumabog sa mga oras na iyon. Nilapitan ko
ang aking ina, niyakap ng mahigpit, at naglabas ng mga salitang nagbigay
depinisyon sa nangyayari sa akin nang mga panahong iyon.
“Ma, ayoko pang
grumaduate..”
Punung-puno ng kalungkutan ang buong katawan ko habang
iniiyak ko ang mga linyang ito sa aking ina. Naramdaman ko ang kanyang mahigpit
na yakap na parang pumipiga sa aking mga luhang patuloy sa paglabas sa aking
mga mata. Sa aking buhay, ay noon ko pa lamang nagawang maglabas ng ganitong
emosyon sa aking magulang. Kahit na parang nakakahiya, hindi ko mapigilang
hindi yumakap at umiyak kapalit ng aking nararamdaman sa papalapit na
pagtatapos ko sa High School.
“Ayaw mo, pero
kailangan..”
Tulad ng mga salitang binitiwan ng aking ina noong mga
sandaling iyon, may mga bagay na ayaw natin sa ating buhay. May mga bagay na
pilit nating tinatakasan, o kaya nama’y mga bagay na ayaw natin pakawalan
ngunit lingid sa ating kaalaman, ay tiyak na makabubuti para sa atin.
Noong mga oras na sinabi ng aking ina sa akin ang mga
linyang ito ay lalo lamang bumigat ang pag-iyak ko. Pumasok sa aking isipan ang
mga sandali at alaalang unti-unting bumibitaw sa akin. Ngunit sa mga salitang
ito rin, unti-unti kong tinanggap ang isa sa mga importanteng liksyon sa buhay:
Hindi importanteng gusto mo, ang mahalaga, gusto ‘yan ng Diyos para sa’yo.
Marami sa atin ang napapariwara at nawawala sa landas dahil
sa daang kanilang tinatahak. Minsan, nakakalimutan nating ang lahat ng bagay,
ay bigay sa atin at hindi sinasayang. Tandaan nating may plano ang Diyos para
sa atin. Siya ang patnugot at may-akda ng ating kwento. Ang tanging kailangan
lamang natin ay magtiwala sa Kanya. Ika nga, hindi kay PNoy makikita ang tuwid
na daan, sa Kanya lamang, sa Kanya!
Ang pagtatapos sa paaralan ay isa lamang sa napakaraming
halimbawa ng plano ng Diyos sa atin. Maaring maraming bagay ang ayaw nating
iwan sa ating pagtatapos, ngunit tandaan nating kaya tayo nag-aaral ay upang
mapunta sa mas mataas pang lugar at hindi upang manatiling mag-aaral
habangbuhay.
Ang mga karanasan, alaala at liksyong ating natutunan ay
nararapat lamang na ating baunin para sa susunod na hamon sa ating buhay.
Kaya ngumiti ka at magpasalamat na natupad ang plano ng
Diyos sa buhay mo! Ikaw ay magtatapos na at makikilala ang susunod na mundong
iyong matatagpuan. Gawin mong inspirasyon ang iyong nakaraan para sa iyong
kinabukasan!
![]() |
(c) Agliam MGP PUPLHS Batch 2009-2013 |
Walang dahilan para hind maging masaya. Maligayang
pagtatapos!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento