![]() |
http://www.rappler.com |
Habang nakatuon ang mga mata ng
buong bayan sa tensyon ngayon sa kanlurang bahagi ng karagatan ng Pilipinas,
nananatiling lingid sa kaalaman ng maraming Pilipino ang mas malaking teritoryo
na makikita sa silangang bahagi ng ating bansa—ang Benham Rise.
Ang Benham Rise o Benham Plateau
ay unang nailagay sa mapa taong 1933 matapos madiskubre ng isang geologist na
si Andrew Benham. Ito ay pinaniniwalaang sagana sa yamang dagat at mineral
kabilang ang manganese, na isa sa mga pinakaimportanteng sangkap sa paggawa ng
bakal. Ang teritoryong ito ay matatagpuan sa karagatan ng probinsya ng Aurora.
Aba’y napakalayo ng 1933 sa 2014!
Ngunit ngayon lamang pumutok nang husto ang balita tungkol sa sinasabing
teritoryong ito na mas malaki pa sa Luzon. Hindi nakapagtatakang ang bahaging
ito ng karagatan ay maituturing pang “unexploited” o hindi pa nagagamit ng
husto ang mga yaman nito sa kabila ng matagal na taon nang pagkakadiskubre
rito. Kailan lamang kase na-aprubahan ng United Nations ang pag-angkin ng
Pilipinas sa Benham Rise. Sa ngayon, masasabing napaluwag ng anunsiyong ito ang
paghinga ng mga Pilipino sa kabila ng mga isyung kinahaharap sa kanlurang bahagi
ng bansa.
Pero lingid sa ating kaalaman,
ang “unexploited” na teritoryong ito ay hindi rin pala nakaligtas sa mga
barkong Tsino at Taiwanese na nakakapasok sa karagatan ng Benham Rise!
Kinumpirma ni Assistant Director Gil Adora ng Bureau of Fisheries and Aquatic
Resources (BFAR) na may mga malalaking barko na naglalayag sa silangang
karagatan ng Pilipinas nitong mga nakaraang taon. Ang mga ito ay may mas mataas
na lebel ng teknolohiya at kagamitang kayang magsiyasat at maglayag sa mailap
na karagatang Pasipiko kumpara sa mga barkong mayroon ang Pilipinas. Kung gayon
lamang ang labanan ay siguradong talung-talo ang Pilipinas sapagkat alam naman
nating walang sapat na pondo ang bansa para sa mga paglalayag at
pag-eeksperimento lalo na sa isang lugar na wala tayong ideya kung ano.
Nangagailangan ang pagsisiyasat sa Benham Rise ng malaking halaga para
mapag-aralan at magamit ang mga yaman nito.
Kamakailan lamang ay tinungo ang
Benham Rise ng isang grupo ng mga siyentipikong galing sa mga kilalang
unibersidad ng bansa kasama ng Marines at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa
isang eksplorasyon. Ang grupo ay kinabibilangan ng mga divers at marine experts
na sumisid sa kailaliman ng nasabing teritoryo. Sila ang pinaka-unang taong
nakarating sa Benham Rise.
Sa kanilang pagsisid ay
nadiskubre nila ang iba’t-ibang species ng lamang-dagat at mga isdang
naninirahan doon. Isa na rito ang Blue Fin Tuna na marami sa lugar. Ito ay
pinaniniwalaang makakatulong sa pag-angat ng produksyon ng tuna ng bansa. Sa
kasalukuyan ay isa ang tuna sa mga pangunahing produkto ng Pilipinas kaya naman
masasabing ang pambihirang pagkadiskubreng ito ay isang malaking hakbang sa
ika-uunlad ng bansa.
Nagmatyag din sila sa mga corals at kumuha pa
ng mga sample nito upang pag-aralan. Tinignan din ng grupo ang posibilidad na
pagkakaroon ng yamang mineral tulad ng manganese sa karagatan nito.
Sa kanilang explorasyon ay
napag-alaman na masyado pang malaki ang teritoryo at nangangailangan ng mas
maigting na pag-aaral upang magamit ng maayos ang mga yaman nito. Gusto ng
grupo na ipagpatuloy ang pagsisid hanggang sa kailaliman ng karagatan ng Benham
Rise. Naniniwala ang grupo na isa ito sa mga maituturing na pag-asa ng bayan
dahil sa mga tinatago pa nitong angking yaman. Gayunman, alam nilang
kinakailangan ng mas malaking pondo at atensiyon mula sa gobyerno upang maipagpatuloy
ang explorasyon dito.
Kung sa isang munting
ekspedisyong ito ay marami na agad nadiskubreng potensiyal ang mga Pilipinong
siyentipiko, paano pa kaya kung ito’y paglalaanan ng atensiyon at popondohan
ang pag-aaral ukol dito? Malaki ang posibilidad na ang mga sakripisyong hakbang
para sa explorasyon at pagdedevelop sa Benham Rise ay magbubunga ng mabuti para
sa bansa. Sa katanuyan, pinag-aaralan din kung ito ba ay may malaking deposit
ng natural gas sa kailaliman nito.
Masasabing ang pagkadiskubre sa
Benham Rise ay hindi lamang isyung pambayan kundi pang buong mundo na rin, lalo
na’t usap-usapin ang pagkakaroon nito ng natural gas deposit na siguradong
kukuha sa atensiyon ng ibang bansa. Naniniwala akong maraming mga mata ang
nagmamatyag sa bagong yamang ito ng Pilipinas. Hindi rin imposible na magkaroon
nanaman ng panibagong argumento ukol sa Benham Rise sa hinaharap. Sa ngayon ay
marapat lamang na pag-isipan ng maigi ang bawat hakbangin na gagawin para rito.
Huwag na sana nating hayaang ang ibang bayan ang makinabang at lumustay sa
yamang ito galing sa Maykapal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento