Tabula Rasa
ANO NGA BA ANG KABAYANIHAN?
ANO NGA BA ANG KABAYANIHAN?
Felipe Cabreza
“Ano na pong nangyari pagkatapos nun sir?” tanong ng isang estudyante, “kawawa naman po ung binata.”
“Mas kawawa yung girlfriend. Nirape ng tatay,” sagot naman ng isa.
“Pareho lang. Nag-end yung relationship nila ng ganun. Awtsu,” pagpapatahimik ng pangatlo, “Eh anu na nga po bang nangyari sa binata, sir?”
Napasarap ang kwentuhan sa klase ng Retorika ngayon. Kaiba sa mga nakaraang araw, mas masigla ngayon sa pagtuturo si Prof. Felipe Cabreza. Dala siguro ng apat na linggong bakasyon nito?
“Pasensya na. Alam ko namiss niyo ako. Pero kakalabas ko palang ng ospital. Next time ulit ako magkukwento,” kaswal lang at parang barkada magkwento itong “facilitator” na ito. Kaya hindi kabado sa kanya ang mga mag-aaral. Ang resulta? Mas magandang resulta.
“May date ka ata sir eh?” biro ng isang estudyante. Napatingin si lamang ang “faci” sa cellphone niya ngunit nakikinig ang mga tenga nito.
Hoy, umuwi ka na. Baka mabinat ka niyan Hinahanap ka na ng tatay mo. Kanina pa puno ang inbox ng batang propesor, galing sa nanay.
“Oh, tignan niyo si sir o, ngumingiti sa text. Yieeeeee,” mga tarantadong estudyante. Matapos idaan sa kwento ang “faci” upang iligaw ang dapat sana’y “surprise quiz” tungkol sa mga bayani, eto’t namemersonal naman.
Kanina lamang ay idiniscuss ng propesor na ang lahat ay pantay-pantay, lahat ay may kakayanang maging bayani gaano man sila kasimple o kasama sa mata ng iba. Katulad ng magulang. Minsan, darating sa punto ng buhay na sila’y hindi maiiwasang maging masama sa mata ng mga anak nila. Pero ano man ang mangyari parati silang nandiyan, tunay na nagmamahal at handang magsakripisyo para sa kanilang anak, gaano man kalaki ang kasalanan nito sa kanila. Anu man ang pagsubok na dumating sa buhay ng anak ay tungkuling ng magulang gabayan parin ito at turuang tumayo sa pangalawag beses, at ganoong klase ng magulang mayroon si Felipe, “sino po ba ‘yan sir?”
“Wala naman. Nagtext lang yung superheroes ko..”
***
Ang Mga Biro
“Nak, ‘pag bumigay,
tirahin mo na!” hindi na natutuwa si Pepe sa mga biro ng tatay niya. Para kasi
sa kanya, hindi masayang pag-usapan ang girlfriend
niya, lalo na’t galing ito sa bunganga ng mahal niyang ama. Hindi dahil sa
masama ang timpla ng hininga nito, kundi minsan, ang biro nito’y hindi biro.
Mga birong
hindi biro. Nakangiting bulong ni Pepe sa sarili. Kanina pa kasi tuyot ang kanyang
utak kakaisip ng topic para sa
kanyang gagawing sulating ipapasa bukas sa Retorika.
Tatlong sunud-sunod
na linggo na ring wala ang propesor niya sa Retorika. At gayun din, tatlong
linggo na rin ang takdang ito. Kung bakit ngayon niya lang ito ginagawa ay
walang nakakaalam. Siguro ay nalilimutan niya, o kaya’y mas makakas ang
katamaran. Ngunit hindi tamad si Pepe, sabi niya. Aba’y napaka-kapal ng mukha. “Nagpa-homework pa e hindi naman pumapasok,” at nakuha pa rin niyang
magreklamo sa kabila nang tatlong linggong hindi paggawa ng takda, “putang ina
niya.”
Matapos ang duguang
pagpiga sa ulo, makaisip na siya ng paksa. Sa
wakas, sabi ni Pepe may lumabas ding maganda sa bunganga ng tatay
niya—hindi bad breath, hindi biro, kundi birong hindi biro!
Isang masiyahing tao
ang ama ni Pepe. Kaya lang minsan, sumusobra. May mga biro na itong hindi
dapat. Siguro kase medyo insensitive ito
sa ibang tao. Pero iniintindi nalang niya. Nasanay nalang din siyang nasasaktan
nito. Sa katunayan nga, may mga gabing lumuluha si Pepe bago matulog. Ito ytung
mga panahong diramdam niya ang mga sinasabi ng ama niya. Gusto ni Pepe ng
malaman. Sa karne, sa mga pinapanood at binabasa, sa dibdib ng babae, pero
isang laman ang ‘di niya kayang matikman, ito yung mga laman ng mga salitang
galing sa ama niya.
Mga birong
hindi biro. Minsan kasi, hindi na talaga masaya ang mga sinasabi ng tatay ni Pepe.
Sa mga seryosong usapin, mas masakit kapag ginagawa itong katatawanan. Parang
nilulugmok ang binata, hinihiya. “Mas mabuti pa ang malamang dibdib ng babae,”
sabi ni Pepe. Kay bilis mabaling ng atensiyon ng binata na mula sa ama e
napunta sa pagpapantasya. ‘Di na nagsayang ng oras ang loko. Kaagad nilock ang
kwarto, binuksan ang zipper, at hinayaang maging malaya ang bespren niya.
Tawagin nalang natin
ito sa pangalang Pepito. Matayog ang pagtayo nito parang pangarap ni Pepe. Napakasarap mangarap. Hinagod ito ng
binata bilang pangangamusta. Sa panahon ng kalungkutan at kabugnutan maasahan
si Pepito. Palagi siyang handang tumayo ano man ang sitwasyon. Madalas nga e
bigla nalang itong uumbok habang nasa klase si Pepe. Mabuti kung nakaupo, pero
nakakahiya kapag nakatayo o naglalakad ang binata. Bukod sa nakakahiya, masakit
ang pagtayo ni Pepito. Naiipit si bespren.
Tunay ngang mapagbiro
ang buhay. Minsan, ililigaw ka nito habang sinusubukan mong tumungo sa kung
saan—katulad ng sitwasyon ni Pepe ngayon. Hindi magtatagal ay idudura ni Pepito
ang bunga ng kanilang paglalaro. At sa puntong ito ay mamalayan ni Pepe na wala
pa siyang nagagawa sa sulatin niya. Maiisip niyang minsan, ang sarap pala sa pakiramdam
na mabiro ng buhay.
Si May, ang “facilitators”,
at ang Uno
Nakakatamad. Buong araw na
lumalabas kay Pepe ang buntung-hiningang marami ang nakakagawa rin. Mga
estudyanteng nababagot sa pagpasok at pag-asang balang araw, may darating sa
kanilang mga propesor.
Nakakatawang isipin
na ang mga mag-aaral, kapag ganitong wala ang propesor ay namimiss magklase pero kapag nariyan e ayaw, lalo na’t may
pagsusulit na bitbit ang walang hiya. Ngunit hindi walang hiya ang mga
propesor. Dahilan lang nila na hindi raw nila obligasyong isubo sa mag-aaral
ang liksyon na dapat nitong matutunan. Facilitators
nalang raw sila. Estudyante na ang kailangang dumiskubre at dapat matuto
nang pansarili.
10:30 ng umaga
hanggang 7:30 ng gabi ang iskedyul ng klase ngayon ni Pepe. Tatlong asignatura:
tig-isa’t kalahating oras ang unang dalawang subject na may isa’t kalahating oras din nang pagitan, at tatlong
oras naman sa pangatlo, na may isa’t-kalahating oras din ng break bago nito. Ang huling subject ang
Retorika, ang tanging hinihintay ni Pepe. Ilang oras na ang nagdaan pero walang
dumatin ni isa sa mga putang amang “facilitators” nila sa unang mga asignatura.
Ang resulta? Buong araw na nganga, sa breaktime
ay kumakain, pero mas mahaba ang pagnganga. Literal na nakanganga ngayon si
Pepe na abala sa pag-iisip ng istratehiya sa paglalaro ng Uno. Naging libangan na nila ng mga kaklase niya ang paglalaro niyo
habang naghihintay sa wala.
May mabuti at
masamang epekto ang paglalaro ng Uno
para kay Pepe at sa mga kasama niya. Dahil dito, nababawasan ang pagkabagot sa
paghihintay sa mga “facilitators”. Nakakatipid din ito dahil tiyak, kung walang Uno ay gastos nanaman ang gagawin ng mga
kupal. Kumusta naman ang isang araw na pagpasok ngunit walang klase? Bukod sa
pagod at pagkabagot ay nasasayang din ang oras at ang pera, mga bagay na
mahalaga sa tulad ni Pepe na mahirap lamang.
Isa lang ang nakikita
ni Pepe na masama sa paglalaro ng Uno.
Hindi ito dahil sa si Winnie the Pooh ang
disenyo ng mga baraha (Nakahubad kasi si koya, SPG), kundi dahil nakakasira ito
ng pagkakaibigan. Kulang na lang ay tadtarin ni Pepe ng mura ang mga kalaro
niya kapag napaparusahan siyang bumunot ng marami pang mga baraha sa kamay.
Hindi niya rin matanggap kapag natatalo siya. Nakakatamad kasing magbalasa ng
baraha, ito ang parusa ng mga talunan kasama ng paglubog ng itlog at pride ng
mga ito.
“Dapat pala hindi ko
nalang ignawa yung homework kagabi,”
pagrereklamo nanaman ni Pepe,”para naman may ginagawa ako ngayong may kinalaman
sa pag-aaral.”
“Pag-aaral din naman
ang Uno ah?” kung makapag-react si May e akala mo naman naglalaro
rin.
“Aba’y graduate na ko
rito. Eksperto na kaya ako sa pagsira ng pagkakaibigan,” pagbibiro ni Pepe,
nagtawanan ang grupo.
“Buti nalang hindi
ako kasali,” may paglalanding sagot ni May sa nobyo, “baka masira pa yung
relasyon natin, ‘di ko kaya yun no!”
Ulol. Sabi ni Pepe sa
sarili. Pero sa loob ay natuwa ito. Kinilig kumbaga. Aba’y kung wala si May e
hindi rin naman ito gaganahang pumasok. Si May, hindi ang “facilitators” o ang Uno, ang nasa priority ni Pepe. Alam
niyang mali, pero alam niya ring tama.
Tama. Nangingiti si Pepe. May tama na talaga ako sa kanya. Hindi halata
sa mukha ng binata ang mga ganitong nararamdaman. Magaling kasi siyang magtago
ng mga emosyon. Pero kabisado na ni May ang kislap sa mata ng nobyo.
“Pabasa naman ako ng
gawa mo!” niligaw ni May ang usapan. Nahiya ata sa iba nilang kasama.
Kung meron mang
masugid na tagahanga si Pepe sa kanyang pagsulat, walang iba kundi si May iyon.
High School pa lamang sila nung
nalaman niyang adik ang dalaga sa mga lathalain at prosa ni Pepe. Kilala kasi
ang binata noon sa kanilang eskwelahan bilang isang magaling na Campus Writer. Ngunit hindi lang sa
pagsulat matibay si Pepe, sa katunayan ay kilabot siya noon sa pagtuligsa sa
mga guro niyang may mga ginagawang kabulagstugan. Matapang siya sa loob, kahit
namukha siyang suplado at tahimik sa panlabas. Iyon ang nagustuhan ni May sa
kanya.
“Bakit ganito?!”
gulat na gulat si May sa nabasa.
Nang itanong ni Pepe
kung anung mali sa sinulat, nalaman niyang siya pala ang nawawalang Chinese
saint na si Santa Nga. Hindi pala kung ano lang ang topic nila sa sulatin sa Retorika kundi may nag-iisa lamang pala
para rito—kabayanihan.
Naknampucha. Wala ni isa mang
kaibigan o kaklase ang nagpaalam sa kanya tungkol sa paksa ng sulatin. Maging
ang nobya nito ay ‘di manlang naisip na si Pepe at si Santa Nga ay iisa. Paraho
silang nasa klase. Pareho dapat nilang alam ang paksa.
“Wala kasing ibang
alam gawin ang senses mo kundi
titigan ako e,” pagbibiro ni May na may halong pag-aalala. Sa puntong ito, wala
nang labinglimang minuto ang nalalabi bago ang Retorika. At ngayon gagawa ulit
si Pepe ng panibago. “Tutulungan na kit..” “Huli na bata,” tinapik ni Pepe ang
kamay ng dalaga. Siguro nabigla lang ‘to.
Mamaya okay na kami. Sabi ni May sa sarili..
“Hindi mo sinabi sa
akin, wala kang kwenta,” bulong ni Pepe. Tila mas masakit ang mahinang daloy ng
mensahe kesa sa pasigaw itong sabihin. Nanunuot mula sa tenga ni May ang mga salitang
iyon patungo sa kaloob-looban ng mga buto nito. Sa pagkakataong iyon, mas
nabigla ang dalaga sa mga nasabi ni Pepe sa kanya. “Wait. Magsi-cr lang ako,”
pigil ang luha ni May sa pagtayo at pag-alis sa grupo. ‘Di gaya ni Pepe, hindi
marunong si May na itago ang nararamdamang emosyon. Walang nagawa ang iba kundi
panuorin ang mababaw na away na sumugat nang malalim sa knila noong araw na
iyon. Pero ang sugat na ito ay mas malalim pa para kay May.
Pagguhit at Pagsulat
Natuyo na ang
blangkong papel sa harapn ni May. Hindi siya makapagsimula sa gagawing pagguhit
noong mga oras na iyon. Sa tuwing maaalala niya kasi ang nangyari kanina sa
eskwela e wala na siyang ginawa kundi umiyak. Maya’t-maya niya kung tuluan ng
luha ang puting papel sa harap niya. Bakit
ganon? Kadikit na ni May ang pagguhit. Ito ang naghatid sa
kany sa iba’t-ibang parangal simula pa lamang noong bata siya. Kung kailan
dise-otso anyos na siya ay saka niya nararamdaman ang ganito. Tila bagang hindi
na siya natutong gumuhit.
Hindi lamang mga
medalya at tropeyo, ngunit buong pagkatao niya ang ibinigay sa kanya ng kanyang
talento sa pagguhit. Ito ang nagbigay sa kanya ng kanyang pagkakakilanlan. Dito
siya nakakapunta sa iba’t-ibang lugar gamit ang imahinasyon. Ngunit ni minsa’y
hindi niya naisip na mas malaki pa ang mapupuntahan niya gamit ang talento.
Noong nasa ika-anim na baitang ay nakilala niya ang isang batang lalaking
taga-ibang distrito sa isang Arts
Conference sa isang paaralan sa
Lungsod ng Quezon. Ang lalaking ito ay bahagi rn ng programa na nagsusulong
iba’t-ibang larangan ng sining tulad ng pag-arte, pag-awit, pagsayaw, pagsulat,
atbp. Noon hinangaan ni May ang isang tulang hindi niya malilimutan. Ang tulang
ito ay sulat ng bago niyang kaibigan, na kasali rin pala sa patimpalak ng
pagsulat hindi lamang ng tula, kundi ng sanaysay at maikling kwento. Ang dating
hindi mahilig sa pagbabasa ay natutunang mahalin ang pagbabasa. At ang dating
magaling sa pagguhit ay lalo pang gumaling. Ang kahusayang dala ng kanyang
bagong inspirasyon ang nagtulak sa kanya para magpursige sa kanyang larangan.
Simula noon, hindi na niya nalimutan ang batang lalaki.
Hanggang sa isang
araw sa kanyang unang taon sa Sekondarya, nalaman niyang doon din nag-aaral ang
dating kaibigan. Tagakabilang seksiyon! Tatlong taon ding hinintay ni May na
maging magkaklase sila ng lalaking iyon. Palagi parin niyang binabasa ang mga
ganun iyo lalo na sa kanilang school
pape. Hanggang sa naging magkaklase nga sila nito sa senior year ng batch. Naging matalik na magkaibigan, hanggang sa
naging magnobyo.
Dati’y sa pagguhit
ang kasama niya sa mga sitwasyong ganito. Ngunit ngayon, nagtataka si May kung
bakit hindi niya mailapat ang lapis sa papel. Sa tuwing aakma siyang guguhit ay
naaalala niya ang pagdating ni Pepe. At nang sa pagdating nito’y lalong humusay
ang dalaga sa talento, ngunit ngayo’y para siyang naging bobo. Hindi kaya siya
talaga si Santa Nga?
Please?
Kausapin mo ako L
Habang binabasa ni
May ang text message ay lalo itong naluluha. Mahirap ang mga ganitong sitwasyon
lalo na’t isang writer ang nobyo mo.
Para kay May, magaling maglaro ng mga salita ang mga ito, mahirap pagkatiwalaan
minsan. “Hindi ko na alam..” ni hindi niya maintindihan ang sariling sinasabi
dahil sa sipon.
Napakamakapangyarihan ng salita, lalo na’t isa kang manunulat. Hindi kasi magsusulat ang isang tao nang wala ni kahit katiting na emosyon dito Napapaisip nga ang dalaga kung totoo ang laman ng mga salita knina ni Pepe. Wala kang kwenta. Hanggang ngayon, ay paulit-ulit pa rin sa ulo ni Maya ang boses na ito ni Pepe. Unti-unit siyang winawasak. At muli, basang-basa ang papel sa harap ni May.
Alam ni Pepe kung
gaano niya nasaktan si May kanina. Naging padalos-dalos siya. Naging mababaw.
Pero kahit tingin man ng iba ay maliit na problema lang ang mayroon sila alam
niyang malaki ang mga salitang ito para kay May.
Lasenggo ang tatay ni
May. May usap-usapan pa nga na nagdodroga raw ito. Ang nanay naman niya’y
matagal wala. Namatay ito noong Martial Law nang pagbabarilin ng militar. Ayon
sa sabi-sabi, ginamit umano ng isang rebelde ang pangalan ng inosenteng babae
sa pagtatago. Nang matunton ng mga sundalo ang pangalang iyon, agad nilang
pinaulanan ng bala ang babae. Wasak ang mukha at katawan ng ina ni May hanggang
sa ilibing ito. At simula noong nawala ito, naging miserable ang buhay ng
kawawang bata. Bagamat hindi niya ito nakilala, ramdam ni May na hindi siya
kailanman iniwan ng nanay niya. Nagkaron siya ng malupit na stepmother na palagi siyang
pinagsasalitaan na wala itong kayang gawing mabuti sa mundo. Doon nagtuon ng
panahon ang batang May na hanapin ang sarili niya sa pagguhit. May kwenta siya.
Ngunit ngayo’y alam ni Pepe na hindi niya ito naiparamdam sa nobya kanina.
Bago tuluyang umalis
si May kanina sa eskwela ay ipinaabot nito sa isang kaibigan ang takda niya sa
Retorika para ipapasa. Hindi na papasok ang dalaga sa huling klase. Sayang ang
oras, pera, at ang paniniwala niyang may kwenta siya. Nang malaman ito ni Pepe
ay agad niyang ipinagpaalam sa kaibigan ang homework
ni May at kanyang tinago. Ikaw ang nobyo.
Mabait na tugon ng kaibigan, at ibinigay kay Pepe ang gawa ng nobya. Mabuti
at walang Retorika. Wala nanamang “facilitator”. Sa puntong ito ay natuwa si
Pepe sapagkat ‘di niya kailangang mag-alala sa hindi nagawang takda. Pero mas
nangingibabaw ang lungkot dahil nag-away pa sila ni May, wala naman pala ang
pesteng asignatura. Doon niya napagpasyahang basahin ang gawa ng nobya. Wala naman sigurong masama. Nalaman
niyang kaya rin palang magsulat ni May. Sulat na may puso at damdamin, kagaya
ng pagguhit ng nobya.
Ang sanaysay ng nobya
niya ay tungkol sa isang babaeng namatay na inosente, ngunit itinuturing niyang
isang bayani. Ikinuwento ni May kung paanong ang kamatayan ng kanyang ina ay
naging isang biro ng kabayanihan. Ang kanyang ina ay namatay para sa isang
rebeldeng tumutulong sa pagbabago ng bayan. Para sa gumawa ng birong ito ganito
naging bayani ang ina ni May. Pero para sa dalaga, ang ina niya, kagaya ng
ibang ina sa mundo, ay bayani nang isilang nila ang mga bagong pag-asa ng
bayan. At sa kaso ng ina ni May, hindi lamang siya nagsilang ng isang bata
kundi pati na rin pangarap, pangarap na balang-araw ay magsisilang din ng
maraming magagandang bagay sa mundo.
“Napakagandang bata
po, ma’am,” bulong ni Pepe na may ngiti. At noon niya napagpasyahang humingi ng
tawad kay May.
Ngunit hanggang
ngayon ay hindi parin sumasagot si May sa tawag o text. Naisip niyang puntahan
ito sa kanila ngunit baka ipahiya lang siya nito at hindi patuluyin. Medyo
naduwag ang binata, at inaamin niya ito.
Habang inaantay ang
pagsagot ng nobya ay magsusulat na lamang si Pepe. Naisip niyang gawin na ang
sulatin sa Retorika bago pa ulit sila mag-away ni May.
Wala man siya sa mood ay pinilit niya pa ring harapin ang
putin papel sa harap niya.
Ang Lamig sa Mainit na Gabi
Iyon na ata ang
pinakamahabang gabi sa buong buhay ni Pepe. Hindi pa sumasagot si May. Maging
sa message sa Facebook ay wala rin. Bukod dito, kakaiba ang nararamdaman ng
binata sa gabing ito. Ni hindi niya maisip kung ano ang gagawin niya sa
blangkong papel sa harap niya.
Kakaiba ang gabing
ito. Sanay na si Pepe na magsulat maging may sama siya ng loob. Sa katunayan
nga’y bukod kay May at Pepito, pagsulat ang ginagawa niya kapag nalulungkot o
umiiyak. Hindi rin naman ito ang unang beses na nag-away sila ng nobya. Alam
niyang kaya niya paring magsulat. Gusto niyang magsulat. Pero ayaw ng katawan
niya.
Hinde. Hindi makakatulong
si Pepito sa panahong iyon. Baka makatulog lamang ang binata ‘pag tapos ng session. Hindi na alam ng binata ang
gagawin niya. Buong gabi siyang nakatulala sa papel, lumilipad ang isip.
Ano ba ang
kabayanihan? Ngayon lamang nahirapan si Pepe sa pagsulat. “Putang inang
kabayanihan!” Naghahalo na ang pagod, antok, at lungkot sa katawan ng binata.
Parang nagsusuntukan ang mga ito sa kung sino ang mangingibabaw. Idagdag mo pa
ang pressure na dala ng nabasang
sanaysay ni May. Para kay Pepe, hindi niya maituturing na bayani ang mga
magulang niya. Pareho sila ni May na puro na lamang emotional pain ang nakukuha sa nanay at tatay, kaya naman hindi
niya maunawaan kung anong kabayanihan ang nakikita ng nobyang hindi niya
nakikita.
“Hoy. Kumain ka na
rito!” naririnig ni Pepe ang sigaw ng nanay niya sa labas ng kwarto.
“Aba’y hayaan mo na’t
baka naglalaro lang ng batuta,” irita nanaman ang tenga ng binata habang
pinakikinggan ang boses ng mga magulang. Hindi
sila nakakatulong. Hindi nalang din kumibo ang anak.
Mapagbiro naman ang
ama ni Pepe. ‘Yun nga lang, nakakapikon. Minsan kasi sobrang hard na ng mga sinasabi. At saka
bidang-bida sa bibig nito kung gaano siya kagaling sa mundo, at kung gaano
naman siya kabaligtaran ni Pepe. Laging nanliliit ang binata sa mga salita ng
ama niya. Ang ina niya naman, laging galit. Laging nakasigaw. Para sa binata,
hindi nauunawaan ng magulang niya ang nararamdaman niya. Ang masama rito, hindi
ito nagiging inspirasyon kundi kunsimisyon sa binata. Naaapektuhan tuloy ang emotional growth ng anak. Nagtatanim ito ng sama ng loob na
para sa kanya, ay hindi mababago ng kahit anong pagsisikap para sa kanya.
Pagsisikap? Oo.
Masipag ang mga magulang niya. Talagang kahit anong hirap, walang bumibitiw.
Ginagawa nila ang lahat makapag-aral lang si Pepe. Pero kasabay nito ay ang
panunumbat sa bata. Laging isinisigaw ng mga ito kung gaano silang naghihirap
para lamang sa kawawang anak. Hindi ba’t
kung mahal mo ang tao, ay gagawin mo ang lahat para sa kanya ng walang
panunumbat? Maliit na Pepe pa lamang siya ay ganito na ang sistema. Wala
siyang maalalang masayang bonding nilang
mag-anak. Kung meron man, hindi siya masaya rito. Malaking Pepe na siya ngayon
pero mas lumaki lang din ang bigat na dinadala niya sa dibdib.
Patuloy siya sa
pag-isip ng lahat ng ito nang may isang pamilyar na boses siyang narining.
Boses na kanina niya handang maring. Kumatok ang taong nagmamay-ari nito. “Pepe
ko,” ang baho pakinggan. Pero para sa binata, ito na yata ang pinaka sweet na tunog sa tenga niya. At alam
niyang sa isang tao lang ito pwedeng manggaling. Binuksan ni Pepe ang pinto ng
kwarto, at nagulat parin siya kahit alam na niya kung sino.
“May, I’m sorry,”
bumigat ang talukap ng mga mata ng binata. Wala nang sabi-sabi. Nag-iyakan ang
magnobyo habang magka-yakap. Kulang nalang e buhos ng ulan at love song na panteleserye.
Kasabay ng paglock ng pintuan ay ang mainit na halikan
ng dalawang taong uhaw sa init ng araw at gabing ito. Kapwa pagod ang
magkasintahan sa nagdaang mga oras, pero minabuti parin nilang ibuhos ang lahat
ng lakas upang gawin ang dapat na gawin, gawin ang gustong gawin. Hindi na alam
ni Pepe ang nangyayari. Sa puntong iyon, nagtagumpay ang apoy sa pusong matagal
nang pinipilit palamigin ng isipan. Pero wala nang panahon para mag-isip.
Narito na’t natatangay sila ng bugso ng damdamin. Kasunod ng mga luha ay ang
walang katapusang pagpapalitan ng laway. Ang mga dila nila’y nagmimistulang mga
nilalang na ngayon lamang ulit nagkatagpo, parang nagkakamustahan, bawat
pagsuyod sa ng mga ito sa isa’t-isa’y nagpapainit lalo sa mga mainit nang mga
katawan.
Kakaiba ang gabing
iyon. Ang pinakamainit na gabi sa buhay
ni Pepe.
Nakita niya ang
kanyang kamay na itinataas ang tshirt
ng nobya. Malalaki ang paglunok ng binata sa unti-unting pagpapakita ng makinis
na balat ni May. Hanggang sa kitang-kita na niya ang manipis na puting bra, ang mga maliliit na bulaklak sa
disensyo nito’y umaagaw sa mga mata ni Pepe upang makita ang kabilugan ng
dibdib ng nobya. Hindi ito malaki kagaya ng pinapantasya ng binata. Pero alam
niya sa sarili niya na ito ang kailangan niya. Tanaw niya mula sa distansya
kung gaano nalang kaliit ang hadlang nilang dalawa. At napagpasyahan niyang
alisin na ng tuluyan ang hadlang.
Ramdam niya sa dulo
ng kanyang mga daliri ang init ng balat ni May. Ang bawat hininga ng dalaga ay
nagsasabi kay Pepe na nasa tamang daan siya. Umakto siyang tatanggalin ang
manipis na hadlang nang magsimulang pumatak muli ang luha sa mata ng nobya.
Nangungusap ang mata ni May. Nagmamakaawa. “Tulong..”
Nagising si Pepe na
nagriring ang cellphone nito. Isang
tawag. Nang dinampot ng binata ang telepono ay sakto lang ang pagtigil nito. Galing kay May. Agad niya itong
tinawagan, pero walang sumasagot. Baka
napindot lang? Pinakiramdaman niya kung tatawag o magtetext ulit si May.
Biglang bumalik sa isipan ni Pepe ang mga eksena sa panaginip niya. Sayang. Ramdam ng binata ang libog na
nagpupumilit lumabas at sumabog sa katawan niya. Pero higit dito, ay ang
pagtataka sa kinatapusan ng nasabing panaginip. Sinubukan niya uling tawagan
ang nobya. Sumagot ka.. Walang sagot
o paramdam na natanggap ang binata. Noong oras na iyon ay napuno ang dibdib
niya ng kaba. Parang mga yabag ng kabayo kasabay ng biglaang panlalamig. Ngayo’y
tuluyang nagbago ang gabi. Ang kaninang mainit na eksena ay napilitan ng
malalamig na hangin ng pag-aalala.
Diyos ko po, ‘wag
naman sana..
Tulad ng Isang
Blangkong Papel
Wala nang
oras pa para maduwag. Ito na siguro ang dahilan kung bakit kakaiba ang
pakiramdam ng binata sa gabing ito. Maya-maya pa’y napansin niyang tumutulo ang
kanyang luha. Unti-unting bumibigat ang kanyang dibdib habang nararamdaman ang
paglalapit nila ni May. Ilang minuto bago mag-alas dos nang umalis ang binata
sa bahay nila nang walang paalam. Bawat segundo sa loob ng taxi ay tila isang taong nasasayang. Para siyang nakakulong. Walang
magawa si Pepe. Tanging pagdarasal ang sandata niya sa mga oras na iyon, kasama
ng pag-asang sana, maging maayos ang lahat.
“Tabula Rasa?” nagtataka ang kilay ni May.
“Oo. Ayun yung tawag
sa blank sheet of paper. Greek ba o
Latin ‘yun? Ay ewan,” paliwanag ni Pepe.
“Eh anung maganda
run?”
“Parang tayo kasi ‘yun.”
“Ha? Pick-up Line ba ‘yan?” natatawang biro
ng nobya.
“Ogag. Tayo. Lahat ng
tao. Tabula Rasa.”
Kitang-kita sa mga
mapupungaw na mata ng dalaga ang pagkalito. Naghihintay sa punchline ng nobyo. Handa nang tumawa.
“Walang mayaman,
walang mahirap. Walang mataas at walang mababang uri ng tao,” nakangiti si Pepe
habang nakahawak sa ulo ni May, ang isang kamay ay may hawak na bond paper, “Noong ginawa tayo ng Diyos,
pantay-pantay tayong lahat. Walang lamang. Lahat blangko.”
Tango lamang ng ulo
ang isinagot ni May sa paliwanag ng nobyo pero patuloy parin itong nagsalita. “Ang
lahat ng nakasulat sa isang papel, at ang lahat ng kulay na ipinipinta rito,
lahat ‘yun tao lang ang naglagay. Tao ang nagbibigay pangalan o label sa kapwa tao. Tao ang naghuhusga
sa kung sino o ano siya o ang kapwa niya. Kapag ang isa ay mayaman at may
puwesto sa lipunan at ang isa naman ay mahirap at namamasura, sa tao lang
importante ‘yun. Tao ang huhusga sa gawa ng tao. Pero ang Diyos ang huhusga sa
gawa Niya. At dahil ginawa Niya tayong blangko, ang pagiging blangko ang
titignan Niya—at hindi kung ano man ang idinidikta ng ating kapwa sa atin.”
“Mas importante ang
sinasabi ng Diyos tungkol sa atin? Kesa sa mundo? So ‘pag sinabi ng iba na
masama ako, hindi ko dapat pakinggan? YOLO? Ganun?” nagbibiro ang tono ngunit
malaman ang sagot ng nobya. Tama nga naman.
“Lahat tayo blangko
nung umpisa. There’s still a white space in all our hearts.
All we have to do is to erase those inks of negativity that we have acquired
living in this world. Go back to Him. He will bring us to our original form—a clean
sheet of paper. No marks, no scars,” seryosong sagot ng
binata.
“Hoy Pepe. Nagdodroga
ka ba? Gusto mo magsuntukan tayo?”
Naghahalo na lahat ng
negatibong emosyon sa katawan ni Pepe. Galit, lungkot, panlulumo, panghihinayang,
pagsisisi.. Luto na, kumukulo pa. Tulala ito habang inaanalisa ang nakikita. Ni
hindi siya makapagsalita. Tinangka niyang sumigaw, ngunit wala siyang narining
na boses. Gusto niyang umiyak. Gusto niyang saktan ang sarili. Gusto niyang
magwala.. Pero ayaw ng katawan niya. Masyado na itong pagod sa bugbog—pisikal,
emosyonal, at mental. Wala siyang kakayahang bumalik sa dati niyang pagkatao..
Wala na siyang magawa.
Naramdaman niyang nawawala
ang lakas niya, kasabay ng kawalan ng pag-asa. Pinagmasdan niya ang kanyang
paligid at kung paanong ang lahat ng ito ay umiikot sa kanyang paningin. Tanging
hiling na lamang ni Pepe’y sa kanyang pagbagsak, kasamang mawala ang lahat ng
diramdam niya. Lahat ng sakit. Lahat ng poot. Lahat ng nangyari.
At katulad ng lahat
ng teleserye, huling darating ang mga pulis sa eksena. Makikita nila sa isang
maliit na barung-barong ang isang dalagitang walang saplot at matandang
lalaking nagbigti na parehong hindi na humihinga, kasama ng isang walang malay
na binatilyo, hawak-hawak ang isang blangkong papel sa kanang kamay..
*****
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento