Mga Pahina

Translate

Translate

Translate

Sabado, Agosto 30, 2014

Gaano ka katatas magsalita ng Filipino aber?

Kailan lang ay napagtripan kong manood ng piniratang English horror movie na nakita ko lang na nakakalat sa mesa. Kahit na halos kabisado ko na ang mga eksena dahil sa pagspoil ng mga kapatid ko, pinagtiyagaan ko pa rin ang pirated DVD. Sa panonood ko ng pelikula, natawa ako dahil sabog ang mga ingles na subtitle. Kung hindi man naka-shabu ang gumawa nito, malamang galing ito sa ibang bansa dahil kung Pilipino man ang may gawa nito, mas maayos naman siguro yung subtitle. Filipino is too good to be true when Englishing, you know.

Bakit pa kasi kailangan ng English subtitle sa mga English movies? Ito ay para mas maintindihan ng mga karaniwang tao sa ibang bansa ang istorya. 'Di tulad nating mga Pinoy na medyo eksperto "raw" sa pag-intindi ng wikang banyaga.

Masaya naman ako na kilala ang Pilipinas na magaling sa pagsasalita ng Ingles kumpara sa mga kapitbahay nating bansa. Pero siyempre, nakakalungkot isipin ang katotohanang mas pinag-aaralan natin ang wikang banyaga kesa sa sarili nating wika. Katwiran na kasi ng karamihan na hindi na raw dapat pang pakialaman ang Filipino dahil alam na alam na "raw" natin ito, at dapat pagtuunan ang pag-aaral sa ibang wika para sa ikauunlad "daw" ng bayan. Ang solusyon? 'Wag na kasing isipin ang katotohanan para hindi na masaktan. Joke. Well actually, truth hurts.

Pero talaga bang alam na alam na natin ang Filipino? O mas dapat pa nating itong palaguin at pagtibayin?

Nakasama na ako sa isang excursion/outreach activity ng isang foundation sa Balanga, Bataan. Noong una, akala ko simpleng bakasyon lang ipinunta ko roon. Nagulat ako noong nakita ko ang isang linggong schedule. May hiking kami! Excited ako (alam ko wala kayong pake). Sa dulo ng maputik at matarik na dinaanan namin ay ang komunidad ng mga Aeta sa itaas ng bundok. Kahit na mga Kano ang mga kasama kong volunteers, nagkakaintindihan sila ng mga Aeta at iba pang Pinoy volunteers. Partida, super kalabaw ang gamit ng mga kababayan nating Ingles sa pakikipag-usap sa mga forenjers. At kahit ganito sila makipag-usap e nagkakaintindihan sila ng mga Kano. Hindi lang siguro ako sanay dahil sa Maynila, pinagtatawanan ang mga mali-maling grammar. Samantalang sila mismo, ang mga Kano, walang problema rito basta masabi at maipaintindi mo ang gusto mong iparating.

Ang hirap sa ating mga Pilipino, kung makapangutya tayo sa mga maling Ingles ay ganun na lang. Kung sino pa ang nanghihiram ng lenggwahe, siya pang mausisa. Kapal no? Samantalang wala rin naman tayong galing sa pagsasalita ng Filipino.

Kaya hangga't maari, sinisikap kong gamitin ang Filipino sa kahit anong oras. Kagaya ng marami, hindi ako perpekto sa pagsasalita nito, kahit na sa buwan lang ng Agosto. Dito nga lang sa mismong binabasa mo e hindi pulido ang Filipino ko.

Medyo mahina ako sa English. Kung meron mang subject na napapanis ang laway ko buong term o quarter ng school year, ito ay ang English subjects. Naaalala ko noong nasa ikatlong taon ako sa high school, literal na napapanis ang laway ko dahil hindi ako nagsasalita kapag English. Hangin lang ang nakakarinig sa mga sagot ko noon kapag nagdidiscuss si ma'am. Kaya nga mas gusto kong may writing activity. Para kahit mali ang grammar ko, ako, si ma'am, at si Lord lang ang nakakaalam.

Minsan nang napatunayan na ang hindi pagkaka-isa sa wika ay nagpapakita ng hindi pagkakabuklod. At ang hindi pagkakabuklod na ito ang dahilan kung bakit madali tayong nasakop noon ng mga dayuhan. Iba't-ibang isla, kultura, at wika ang nananalaytay sa mga Pilipino noon kaya walang pagkakaisa laban sa mananakop.


Kaya tayo may pambansang wika ngayon ay para magsama-sama tayo. Sa panahong hindi lamang lenggwahe ang impluwensiya sa atin ng ibang kultura, mas kailangan natin ang isa't-isa para umunlad. At sa panahong ito, mas maraming Pilipino pa ang kailangan natin sa pagkilos--mas marami pa kaysa noong 1886 sa EDSA..

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento